KORONADAL CITY – Tiniyak ni 6th Infantry (Kampilan) Division spokesman Major Arvin Encinas na all set na ang AFP para sa pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa Lunes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Encinas, nagsagawa na ng mga pagpupulong ang mga opisyal ng AFP upang maging maayos at mapayapa ang pagboto ng mga mamamayan, lalo na sa kanilang nasasakupan sa Maguindanao.
Samantala, siniguro rin nitong hindi makakagawa ng aksyon ang mga itinuturing na election at peace spoilers bago at ang mismong araw ng halalan upang hindi sila makapaglunsad ng pag-atake.
Kasunod ito sa natanggap na impormasyon na may mga improvised explosive device umanong nakatakdang ibyahe sa motorsiklo upang dalhin sa mga lugar ng Tacurong City; mga bayan ng Isulan at Esperanza sa Sultan Kudarat; Koronadal City at Gensan City ngunit nagresulta umano ito sa negatibong report at dahil na rin sa maagap na kooperasyon ng mga sibilyan.
Dahil dito, nagpapasalamat si Encinas sa partisipasyon ng publiko upang matiyak ang clean, honest, and peaceful elections.