Lumagda sa isang defense agreement ang Pilipinas at Japan para palakasin pa ang deterrence sa gitna ng tumitinding agresyon ng China at para palakasin ang pagtugon sa mga kalamidad.
Ito ay ang Acquisition and Cross-Servicing Agreement na nilagdaan nina Japanese Foreign Minister Toshimitsu Motegi at Philippine Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro sa Maynila.
Kabilang sa kasunduan ang pagpayag sa pagbibigay ng ammunition nang walang buwis, langis, pagkain at iba pang mga kailangan sa oras na maglunsad ang pwersa ng dalawang bansa ng joint training.
Maliban sa combat drills, makakatulong ang kasunduan para sa sanib-pwersang pagtugon ng Japan at Pilipinas sa mga kalamidad, at makilahok sa peacekeeping operations ng United Nations.
Sa signing ceremony, inanunsiyo rin ng Japan ang bagong security at economic development assistance para sa Pilipinas kabilang ang pagpopondo para sa konstruksiyon ng security boat shelters at pagpapalawig pa ng internet access sa mahihirap na probinsiya sa katimugang bahagi ng Pilipinas na minsan nang naapektuhan ng rebelyon ng minority Muslims.
Ang military logistic agreement ay kailangan pang ratipikahan ng mga mambabatas ng Japan bago ito tuluyang maging epektibo.
Ito naman ang pinakabagong malaking defense agreement na nilagdaan ng Japan at Pilipinas para mapalalim pa ang ugnayang pandepensa.










