-- Advertisements --

Mas maraming European countries pa ang pumirma sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia, kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng kasunduan.

Pormal nang lumagda ang Sweden, Poland, Romania, at Lithuania sa naturang kasunduan kung saan pinagtibay ng apat na bansa ang kanilang suporta sa kapayapaan, kooperasyon, at rules-based international order.

Sa kanyang talumpati, inihayag ni Swedish Defense Minister Pål Jonson ang buong suporta ng Sweden sa liderato ng ASEAN at nangakong magiging pangmatagalang katuwang sa kalakalan, digital infrastructure, green transition, at iba pang larangan ng kooperasyon.

Binigyang-diin naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro na kahit tumitindi ang kompetisyon at hidwaan sa pagitan ng mga bansa, nananatiling mahalaga ang dayalogo at posible pa rin ang kooperasyon, sa pamamagitan ng naturang kooperasyon, at sa suporta ng ibang mga bansa tulad ng mga European countries na panibagong nagpakita ng kanilang suporta.

Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Polish Minister Wojciech Balczun na mahalagang igalang ang soberanya, territorial integrity, at mapayapang pagresolba sa mga sigalot upang mapanatili ang pandaigdigang kaayusan, batay na rin aniya sa karanasan ng European countries.

Ayon naman kay Romanian Minister Mihai Dimian, ang paglagda sa TAC ay isang future investment, lalo na sa usapin na research, edukasyon, at palitan ng kaalaman.

Iginiit naman ni Lithuanian Foreign Minister Kęstutis Budrys na may karapatan ang bawat bansa na pumili ng sariling landas ng pag-unlad nang walang pananakot o panghihimasok mula sa ibang estado.

Binigyang-diin ni EU High Representative and Vice President Kaja Kallas ang mahalagang papel ng kababaihan at edukasyon sa pagputol ng siklo ng hidwaan upang maiwasan ang mga digmaan sa hinaharap, at ang naturang kasunduan aniya ay malaking tulong upang maabot ito.

Nagpahayag naman si Singaporean Foreign Minister Vivian Balakrishnan ng kaniyang pagsuporta sa pagpapatupad ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa mga karagatan.

Aniya, ang UNCLOS ang nagsisilbing pundasyon ng kaayusan sa karagatan, at ang pag-unlad ng mga bansa ay lubos na nakasalalay sa bukas at ligtas na ruta sa karagatan, bagay na sinusuportahan ng Treaty of Amity and Cooperation.

Sa ngayon ay may 62 parties na ang lumagda sa ilalim ng TAC.