Inamin ng Department of Justice na hindi pa rin nasisimulan ang paghahanap sa labi ng mga nawawalang sabungero sa bahagi ng Taal Lake.
Kung saan wala pa ring katiyakan kung kailan ito masisimulan matapos ibunyag ng isang testigo na ang mga biktima ay pinatay at inilibing umano sa nabanggit na lokasyon.
Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, maglalabas sila ng ulat sa publiko sa oras na ito’y maisakatuparan o masimulan ng gawin.
Ngunit aminado ang naturang kalihim na hindi ganoon ka handa ang pamahalaan pagdating sa mga ganitong uri ng operasyon sapagkat aniya’y kulang pa sa karanasan ang mga tauhan nito.
Kaya naman kanya pang inihayag na hihingi ng tulong ang kagawaran maging sa gobyerno ng bansang Japan para makagamit ng submersible remote robots.
Ito’y upang mapabilis raw ang paghahanap sa mga labi sakaling mapatunayang totoo ang mga impormasyong isiniwalat ng testigong kinilala bilang si alyas Totoy.
Maalala na unang ibinahagi ni Justice Secretary Remulla ang pakikipag-ugnayan sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard hinggil sa operasyong nais maisagawa.
Hindi lamang raw kasi ordinaryong pagsisid sa tubig ang gagawin kundi kinakailangan rito pati ang mga propesyunal sa pamamagitan ng mga ‘technical diving team’.
Ngunit aniya’y meron naman raw na silang koordinasyon sa Department of Environment and Natural Resources na siyang magiging katuwang din sa magaganap na paghahanap.
Kaya naman pagtitiyak ni Justice Secretary Remulla na kanilang gagawin ang lahat matukoy lamang ang lokasyon at mahanap ng tuluyan ang mga nawawalang sabungero.