Nasabat ng mga tauhan ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng Bureau of Plant Industry katuwang ang Bureau of Customs ang hindi bababa sa 25 metric tons ng smuggled na pulang sibuyas mula sa China sa Misamis Oriental.
Ayon sa DA, ang cargo ay dumating noong May 26 na ideneklarang frozen goods katulad ng egg noodles, croissant, dough, pizza dough, buns, at spring rolls.
Una nang hinarang ang paglabas ng kargamento para sa “karagdagang inspeksyon” alinsunod sa kahilingan ng BPI-Plant Quarantine Service sa Cagayan de Oro sa BOC.
Ayon sa DA, isinagawa ang physical examination noong Hunyo 11 at tumambad ang pulang sibuyas na hindi nakalista sa manifesto nito.
Batay sa pagtataya ng mga kinauukulan, ito ay may tinatayang value na P2 million.
Matapos ang pagkaka diskubre ay kaagad na inirekomenda ang pagkumpiska sa naturang shipment.
Muling binalaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang magtatangkang magpasok ng mga smuggled na sibuyas gayong hindi naman sila nagpapalabas ng import clearance sa ngayon.