Mariing kinondena ni Washington DC Mayor Muriel Bowser ang pagde-deploy ng US National Guard troops sa Washington DC ito’y kasunod ng utos ni U.S President Donald Trump kasunod umano ng nararanasang marahas na krimen sa lungsod.
Martes ng gabi ng ipakalat ang mga tropa ng National Guard at mga armored vehicles sa mga urban centers at tourist spots. Inaasahang aabot sa 800 tropa ng National Guard at 500 federal agents ang ipinakalat.
Tinawag naman ni Bowser bilang “authoritarian push” ang ginawang hakbang ng Pangulo at pinabulaanan ang sinasabing lumalalang krimen sa lungsod.
Sa kabilang banda nagbanta naman si Trump na gagawin ang kaparehong aksyon sa New York at Chicago, na parehong pinamumunuan ng mga Democrat.
Ayon sa White House, 23 katao ang naaresto ng federal agents noong Lunes ng gabi dahil sa mga kasong pagpatay, pamamaril, iligal na droga, at iba pa.
“This is only the beginning,” ayon kay press secretary Karoline Leavitt, na nagbabala ng mas marami pang pag-aresto sa mga susunod na linggo.
Ngunit nanindigan si Mayor Bowser sa isang town hall na kailangang ipaglaban ng mga residente ang kalayaan ng lungsod. Hinikayat din niya ang publiko na suportahan ang paghalal ng Democratic House para maging “backstop” laban sa pamumuno ni Trump.
Iniulat naman ng pulisya na bumaba ng 35% ang naitalang marahas na krimen sa lungsod noong nakaraang taon, ngunit ayon sa ilang grupo ang datos ay maaaring peke.
Dahil batay sa datos ng FBI nagtala lamang ito ng 9% na pagbaba.