-- Advertisements --

Inianunsyo ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na “approved in principle” na ng Inter Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) na luwagan ang outbound travel restriction sa mga Pilipinong gusto nang makasama ang kanilang mga dayuhang partner o mahal sa buhay.

Sinabi ni Sec. Nograles na siya ring co-chairman ng IATF, inaayos na lamang ang detalye para sa pagluluwag sa travel restrictions.

Ayon kay Sec. Nograles, nakikipag ugnayan na lamang ngayon ang IATF sa Department of Foreign Affairs (DFA), Bureau of Immigration (BI), mga airline companies at mga host country para matiyak na masusunod ang testing at health protocols.

Kailangan umanong matiyak na hindi magpapadala ang Pilipinas ng mga Pilipinong positibo sa COVID-19.

Inihayag ni Sec. Nograles na konting pasensya na lamang at inaayos pa ng IATF ang mga maliliit na detalye.

“May mga detalye, may iilang detalye na lamang po kaming inaayos. Kasi alam niyo kailangan coordinated ang alahat mula sa testing, mula sa airport, mula sa Bureau of Immigration, mula sa DFA, hanggang sa ating mga airlines. Inaayos na lang namin ang lahat ng iyan. Pero in principle po, kami sa IATF, payag na kami. Okay na. Ano na lang, yung detalye. Ayaw kasi namin maglabas nang hindi pa prepared, magkakagulo, eh. Pero ito ‘pag naplantsa na ang lahat detalye–anong klaseng testing, saan magpapatest. Mag-coordinate pa kami sa mga accepting countries, ano ba ang rules nila sa pagtanggap? Tapos yung airlines, coordinate pa tayo; sa airport, coordinate pa tayo; coordinate pa natin sa Immigration; coordinate pa natin sa DFA,” ani Sec. Nograles.