-- Advertisements --

Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) nitong Lunes na nananatiling ligtas ang Boracay Island, sa kabila ng insidente ng pananakit sa anak at pamangkin ni Sen. Jinggoy Estrada noong Sabado, Mayo 24.

Ayon kay Police Lt. Col. Mar Joseph Ravelo, hepe ng pulisya ng Malay, Aklan, priority parin nila aniya ang kaligtasan ng mga bumibisita sa isla.

Maaalala na bandang alas-2 ng umaga, napaulat na sinaktan sina Julian Ejercito at ang kanyang pinsan habang naglalakad sa front beach.

Nakilala sila ng tatlong lalaking suspek mula sa loob ng isang bar at sinundan palabas, bago sila bugbugin na kapwa nagtamo naman ng head at facial injuries.

Tinawag ni Sen. Estrada ang insidente bilang isang “senseless act.”

Itinuturing naman ng PNP ang insidente bilang “isolated case” at hindi sumasalamin sa kabuuang peace and order situation.

Sa ngayon ay arestado na ang dalawang suspek sa pambubugbog at nagsampa narin ang Aklan Provincial Prosecutor’s Office ng kasong physical injuries laban sa mga ito.