-- Advertisements --

Pinaplano ng Department of Agriculture (DA) na paabutin hanggang 2028 o hanggang matapos ang termino ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., ang pagbebenta ng P20 rice sa buong bansa.

Sa inisyal na plano, target ng DA na mapalawak ang bentahan ng murang bigas na kasalukuyan nang ibinebenta sa mahigit 32 Kadiwa ng Pangulo (KNP) outlet sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon at Visayas.

Sa buwan ng Hulyo, target na ring ilunsad ito sa Mindanao upang magkaroon ng outlet sa buong kapuluan.

Sa kalagitnaan ng kasalukuyang taon, nais ng ahensiya na magkaroon na ng kabuuang 55 Kadiwa outlet kung saan maaaring makabili ng murang bigas ang mga kwalipikadong benepisyaryo tulad ng mga senior, single parent, atbpa.

Ayon naman kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., inaaral ng ahensiya kung paano pa mapagbuti ang roll-out ng murang bigas, mula sa sapat na supply, mas maayos na bentahan, at kabuuang execution ng naturang program.

Inaayos na rin aniya ang mga pasilidad sa Kadiwa stores kung saan ibinebenta ang mga bigas, kasama ang paglalaan ng maayos na ventilation, lalo na ngayong panahon ng tag-init.

Ang P20 rice ay ibinebenta sa tulong ng subsidiya na ibinibigay ng gobiyerno. Ito ay pinopondohan ng DA, National Food Authority (NFA). at ng mga lokal na pamahalaan kung saan ibinebenta ang mga ito.