CAUAYAN CITY- Patuloy ang isinasagawang masusing imbestigasyon ng Tumauini Police Station sa pagbaril at pagpatay sa isang magsasaka sa barangay Lanna, Tumauini,Isabela noong July 19, 2019.

Ang biktima ay si Rodrigo Talusan, 38 anyos, magsasaka at residente ng Purok 2, Lanna, Tumauini, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Eugenio Malillin, hepe ng Tumauini Police Station sinabi niya na patuloy pa rin ang kanilang pangangalap ng impormasyon kung sino ang pumatay sa biktima gayundin na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa maybahay nito.

Aniya, mayroon na silang mga person of interest at nakausap na rin nila.

Sa ngayon ay hinihintay muna nilang mailibing ang biktima para matulungan sila ng pamilya nito sa isinasagawa nilang imbestigasyon.

Maaring may kaugnayan sa away sa lupa at personal na alitan sa pamilya ang tinitignan nilang dahilan sa pagpatay sa biktima.

Bala ng isang Cal. 9mm ang nakuha nila sa katawan ng biktima.