Nanawagan ang mga biktima ng drug war sa International Criminal Court (ICC) na huwag payagan ang pansamantalang paglaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Office of Public Counsel for Victims (OPCV).
Sa 18-pahinang sagot na isinumite noong Hunyo 25, iginiit ng Office of Public Counsel for Victims (OPCV) na delikado para sa mga biktima at saksi kung palalayain si Duterte, lalo’t hawak na niya ang ebidensya at impormasyon sa mga testigo. Binanggit din ang mga ulat ng harassment mula sa kanyang mga tagasuporta.
Dagdag nila, hindi dapat pagkatiwalaan ang pangako ni Duterte na babalik sa paglilitis, lalo na’t hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC. Tinukoy din ang patuloy na impluwensya ng pamilya Duterte sa pulitika at ang mga kilos-protestang nananawagang palayain siya.
Hindi rin umano sapat na dahilan ang edad niyang 80 para sa pansamantalang paglaya, maliban kung may matinding medikal na pangangailangan.
Ayon sa OPCV, naniniwala ang mga biktima na ang tanging paraan para matiyak na haharap si Duterte sa paglilitis ay ang pananatili niya sa kustodiya ng ICC. (report by Bombo Jai)