-- Advertisements --

Nagsimula nang bumalik ang mga biyahero sa Metro Manila ngayong Linggo ng Pagkabuhay matapos ang apat na araw na Holy Week break, bilang paghahanda sa balik-trabaho at klase sa Lunes (Abril 21).

Sa mga bus terminal sa EDSA Kamuning at Cubao, Quezon City, nagsidatingan na ang mga pasahero mula sa mga probinsya. Inaasahang darating ang mas marami pang pasahero ngayong Linggo ng hapon hanggang Lunes ng umaga.

Sapat naman ang bilang ng mga bus na bumibiyahe patungong probinsya upang sunduin ang mga pasaherong pauwi ng Maynila. May kaunting pagsisikip sa trapiko sa paligid ng mga terminal dahil sa pagdating ng mga bus at paghihintay ng mga taxi.

Nag-anunsyo rin ang Land Transportation Office–NCR na ilulunsad ang “Oplan Isnabero” simula Abril 20 upang hulihin ang mga taxi driver na namimili ng pasahero sa mga pangunahing terminal.

Sa Pasay City, dumating na rin ang mga pasahero mula Quezon at Batangas sa Taft Avenue bus terminal bandang alas-3 ng madaling araw.

Sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), nagsimula na rin ang pagbalik ng mga pasahero. Target ng PITX ang 2.5 milyong pasahero ngayong Semana Santa na uuwi sa Maynila.

Wala namang naitalang nag positibo sa isinagawang random drug testing sa mga tauhan ng PITX.

Samantala, ayon kay Robin Ignacio ng NLEX Corporation, walang naitalang malaking aberya sa North Luzon Expressway simula noong Sabado ng madaling araw habang tumaas din ang dami ng sasakyang papasok ng Metro Manila. Nagpatupad na rin ang mga ito ng counterflow sa ilang bahagi ng Pampanga at Bulacan upang maibsan ang traffic.