Gaganapin na sa Oktubre 18 ang raffle para sa mga party-list organization upang malaman ang magiging numero ng mga ito sa official ballot para sa 2025 Midterm Elections.
Ang naturang raffle ay nakatakda dakong alas-9 ng umaga at gaganapin sa Chairman’s Hall, sa Palacio del Gobernador Bldg., Intramuros, Manila. Gagamitin dito ang isang automated raffle.
Ayon sa Commission on Elections, ipapakita muna sa mga party-list group, organization, at kowalisyon ang gagamiting mga software, electronics, at mga component. Lahat ng mga ito ay selyado bago ipresenta.
Ang gagamiting software o applications ang magra-rafle sa pangalan ng mga kwalipikadong party-list at mga organisasyon at siya ring mag-iimprenta sa sa aktwal na listahan ng mga ito, batay sa pagkakasunod-sunod.
Ayon sa komisyon, hindi na ito tatanggap ng anumang appeal, motion for reconsideration, o motion to re-raffle pagkatapos nito.
Unang ginamit ang raffle system noong 2013 elections upang pigilan ang mga organisasyon na abusuhin ang paggamit ng mga pangalang nagsisimula sa unang letra o numero para lamang mapunta sa unahan ng listahan. Dati kasing sinusunod ang alphabetized system.