-- Advertisements --

Binigyang linaw ng Department of Justice na kasalukuyang hinihiling pa lamang sa Anti-Money Laundering Council ang pag-iisyu nito ng ‘freeze order’ kontra sa mga napabilang sa listahan ng mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Inihayag mismo ni Justice Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na ang 21-indibidwal na inirerekumendang makasuhan ng National Bureau of Investigation ang siyang hiniling para maisyuhan ng ‘freeze order’.

Ibig sabihin, sa kasalukuyan ay hinihintay pa ang pinal na kumpirmasyon kung tuluyan na nga bang mayroong nailabas na ‘freeze order’ kontra mga indibidwal sangkot sa kontrobersiya.

Giit kasi ni Justice Secretary Remulla, ang kahilingan ito sa oras na maisumite o maipadala sa Anti-Money Laundering Council ay kadyat ikinukunsiderang tapos.

Aniya’y ‘consider it done’ sa pagsumite ng hiling na ito kaugnay sa mga reklamong posibleng maisampa sa naumpisahan ng case buildup ng kagawaran.

Kabilang sa mga inaasahang naisyuhan ng naturang freeze order ay sina Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, Senador Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, Chiz Escudero, ex-Sen. Bong Revilla, former DPWH USec. Roberto Bernardo, Engr. Brice, at iba pa.

Silang lahat ay kabilang sa mga inirerekumendang makasuhan ng reklamong graft, malversation of public funds, at indirect bribery ng NBI.

Ngunit mapapansin dito na hindi kasama rin ang mag-asawang Pacifico at Sarah Discaya sa 21-indibidwal listahan ng kawanihan.

Paliwanag ni Justice Secretary Remulla, may nauna ng isinampang reklamo si Department of Public Works and Highways Sec. Vince Dizon laban sa mag-asawa.

Samantala, muling binigyang halaga ng kasalukuyang kalihim ang importansya sa kondisyong restitution para sa mga nais tuluyang mapasailalim sa ‘Witness Protection Program’.

Hindi aniya ito inaalis kasabay ng masusi at hindi madaling pagproseso sa ebalwasyon lalo na sa mga ikukunsiderang ‘state witness’.