-- Advertisements --

Umabot umano sa P1 billion ang perang ipinadala sa penthouse ni Ako Bicol Rep. Elizaldy Co sa Shangri-La Hotel, Taguig ito ang matinding alegasyon na ibinulgar ng dalawang dating district engineer ng Department of Public Works and Highways sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, Setyembre 23.

Ayon kay Brice Hernandez, dating Bulacan 1st District Engineer, mahigit 20 maleta umano ng pera ang isinakay sa anim hanggang pitong van patungo sa penthouse ng kongresista, kung saan inabot aniya sa isang taong tinukoy niyang si “Paul”, na aide umano ni Co.

Hindi raw direktang nakipagkita si Hernandez kay Co, pero nakita umano niya ito habang kausap si dating DPWH-Bulacan district engineer Henry Alcantara, na kanyang dating boss.

Kaugnay nito kinumpirma naman ni Jaypee Mendoza, dating assistant engineer, ang mga detalye ng paghahatid ng pera.

Aniya, sa mga unang taon ay sa Shangri-La Hotel isinasagawa ang mga transaksyon, habang sa mga sumunod na taon ay inilipat na sa Valle Verde 6, na tahanan umano ng kongresista sa Pasig.

Matatandaan na si Rep. Co ay dating chair ng House appropriations committee, at kabilang sa mga mambabatas na iniimbestigahan kaugnay ng anomalya sa flood control projects ng DPWH.