CAGAYAN DE ORO CITY -Binatikos ng Police Regional Office 10 ang rebeldeng New People’s Army (NPA) na nasa likod pag-atake gamit ang M203 rifle dahilan para tamaan ang apat na pulis na nakabantay sa quarantine control point sa Barangay Potongan, Concepcion, Misamis Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni PRO-10 regional director Brigadier General Rolando Anduyan na dapat hindi dinamay ng mga rebelde ang quarantine control point na sinadyang ipinatayo para mapagsilbihan ang mga tao upang makaiwas na mahawaan ng coronavirus disease.
Inihayag ni Anduyan na dadalawin nito kasama ang ilang regional top officials ang mga biktima na sina Staff Sgt Larry Millan,Cpl Leo Gumasid,Cpl Marvin Inyong at Patrolwoman Richel Tanola na nagtamo ng mga sugat mula sa shrapnel ng M203 ammunition na tumama sa kanilang minamando na control point.
Bagamat wala ng dapat ipangamba sa kalagayan ng mga biktima dahil hindi naman malubha ang tinamo nila na mga tama.
Una nang napatay rin nang nagsanib puwersa na militar at pulisya ang isang rebelde kung saan narekober sa encounter site kasama ang high powered firearm.
Pinag-iingat rin ni Anduyan ang lahat ng mga pulis laban sa anumang atake ng mga rebelde habang nasa kasagsagan ng pandemya.