Malaking dagok umano sa recruitment activities ng NPA ang pagkakaaresto sa limang mga NDF leaders sa Laguna.
Ayon kay AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez, kanilang itinuturing na major accomplishment ang pagkakaaresto kay Adelberto Silva, pinuno ng National Organizational Department (NOD) ng CPP/NPA at isa sa mga pinalayang NDF consultants noong taong 2016.
Una nang pinalaya si Silva dahil sa peace talks sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.
Pero pinaaresto muli ang mga pinalayang NDF consultants matapos tuldukan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan.
Kasama rin sa mga naaresto ay sina, Edicel Rodriguez Legazpi alyas JDF/Kobe/Trike na itinuturing na secretary nang tinaguriang Southern Tagalog Regional Party Committe ng NPA; isang alyas Onyong na support staff ng NOD; huli rin ang isang alyas Batu na dating deputy secretary at kasalukuyang miyembro ng NOD; at isang alyas Wena na umano’y secretary ng National Women’s Bureau.
Kasalukuyang nakakulong na sa CIDG headquarters sa Camp Crame ang lima.
Ang pagkakaaresto sa mga top NPA leaders ay dahil sa koordinasyon at collaboration ng PNP at AFP.