ILOILO CITY –Ang pagpapabaya sa mga konsumidor at paglabag sa consumer’s Magna Carta ang naging basehan ng Committee on Legislative Franchises sa Kamara upang ibasura ang franchise application ng Panay Electric Company na siyang existing power distributor sa lungsod ng Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Surigao del Sur-2nd District Representative Johnny Pimentel, deputy speaker ng House of Representatives, sinabi nito na nakitaan ng maraming paglabag ang Panay Electric Company na siyang power distributor sa lungsod ng Iloilo sa loob ng 97 taon.
Ayon kay Pimentel, nilabag ng nasabing electric company ang Magna Carta for Electric Consumers sa pamamagitan ng P631 million na overcharge sa bill ng mga konsumidor.
Maliban dito, hindi rin nakapag-apply ng capital expenditure sa Energy Regulatory Commission ang nasabing electric company sa loob ng 5 taon at mas inuna pa nito ang pagbigay ng P200 million na dividend sa stockholders.
Naging basehan rin ayon kay Pimentel ang 200 kaso na isinampa laban sa Panay Electric Company upang ibasura ang franchise application nito at paboran ang MORE Electric and Power Corporation na maging bagong power distributor sa lungsod ng Iloilo.