Ipinaliwanag ng pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) na umapaw ang mga nakapaligid na ilog at sapa sa may Valenzuela at Meycauayan dahil sa patuloy na mga pag-ulang dala ng bagyong Crising at habagat dahilan kayat nalubog sa baha ang ilang bahagi ng naturang expressway noong Lunes, Hulyo 21.
Sa inilabas na statement ng NLEX Corp., ipinaliwanag nito na sa kabila ng tuluy-tuloy na operasyon ng pumping station binaha pa rin ang expressway na humantong sa pansamantalang pagsasara ng Balintawak Cloverleaf at ng Valenzuela Northbound at Southbound portions kabilang ang iba pang entry at exit points.
Sa kabila nito, agad naman silang nagpadala ng teams para imonitor, iassess at tulungan ang mga stranded na mga motorista kung saan binigyan ang mga ito ng maiinom na tubig at snacks.
Pinakilos din ang patrol at emergency teams para magbukas ng U-turn slots at inalalayan ang mga sasakyan patungo sa ligtas na mga ruta.
Bandang alas-8:00 ng gabi noong Lunes, nadaanan na rin ang Balintawak Cloverleaf para sa lahat ng mga sasakyan.
Madaling araw naman na o ala una imedya ng umaga nang humupa na ang baha sa Valenzuela at Meycauayan gayundin binuksan ang lahat ng toll plazas at entry/exit points ng NLEX, SLEX AT NLEX connector.
Siniguro din ng NLEX Corp. na nananatiling prayoridad nila ang kaligtasan ng lahat kayat nakikipag-tulungan na sila sa mga ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan para magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa baha.