Hinikayat ng Toll Regulatory Board (TRB) ang mga motorista na dadaan sa mga toll way na magpalagay na ng Radio Frequency Identification (RFID) sa kani-kanilang mga sasakyan para sa may maayos at banayad na biyahe ngayong inaasahan na holiday exodus.
Ayon kay TRB Spokesperson Julius Corpuz, maliban sa panawagan na ito ay bukas pa rin ang lahat ng kanilang mga expressways na tumanggap ng cash bilang pambayad sa kanilang toll gates.
Aniya, sa kabila nito ay malaki kasi ang kaibahan kapag mayroong RFID ang mnga sasakyan dahil mas mabilis at banayad ang transaksyon nito kumpara sa mga cash payment basis.
Samantala, liban dito, inihayag din ni Corpuz na nagumpisa na ang mga pagdagsa ng mga sasakyan sa North Luzon Expressway (NLEX) at maging sa South Luzon Expressway (SLEX) simula pa nitong Biyernes, Disyembre 19.
Ayon naman sa pamunuan ng NLEX, mahirap sa ngayon ang pagpapatupad ng counterflow scheme dahil sa mataas na bilang ng mga sasakyan na umuukopa sa parehong northbound at southbound lanes.
Bilang pagtugon dito ay nagtalaga pa sila ng mga karagdagang personnel bilang assistance sa mga motorista na dadaan dito.
Inanunsyo naman ng pamunuan na nakatakdang magkaroon ng libreng toll fee sa NLEX para yan sa Pasko at sa Bagong Taon na siyang epektibo pagpatak ng Disyembre 24 simula 10:00pm ng gabi hanggang Disyembre 25 ng 6:00 am ng umaga at Disyembre 31 10:00pm ng gabi hanggang Enero 1 ng 6:00am ng umaga.
















