CEBU CITY – Wala pang komento ang pulisya ng Cebu City Police Office sa nangyaring pananambang kay Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro kahapon dito sa lungsod ng Cebu.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Cebu City Police Office (CCPO) Director Police Colonel Gemma Vinluan, sinabi nitong hindi na muna sila makapagbigay ng statement sa nangyaring ambush at tanging si PRO 7 Regional Director Police Brigadier General Valeriano De Leon lang ang magbibigay ng official statement.

Ngunit siniguro naman ni Colonel Vinluan na nagsisimula na ang kanilang imbestigasyon para posibling pag-aresto ng mga suspek.

Sa ngayon, hinihintay na muna nila ang affidavit ng mga witnesses.

Binigyang-diin rin ng police director na isang “isolated case” ang nangyari at nananatiling ligtas na lugar ang lungsod.

Habang, itinuring rin ni Cebu City Vice Mayor Michael Rama na isang malungkot na pangyayari ang pananambang kay Mayor Navarro.

Giit nitong isang malaking hamon ito para sa pulisya lalong-lalo na at nasa kalagitnaan pa ito ng paghahanda para sa seguridad sa nalalapit na Undas at Kapaskuhan.