Tiniyak ni Cavite Gov. Jonvic Remulla na pag-aaralan na ang pag-lift sa liquor ban sa buong lalawigan.
Pahayag ito ng gobernador kasunod ng inilabas na executive order kahapon kung saan muli nitong ipinasara ang mga mall sa Cavite.
Sa Facebook post sa ika-apat na araw ng general community quarantine (GCQ) sa Cavite, inilatag nito ang mga panibagong patakaran sakaling payagan muli ang mall operations.
Isa sa pinakabago ay ang pagbibigay umano ng time card para sa mga kwalipikadong papasok sa mall kung saan isang oras lamang maaaring magtagal sa loob.
“PS. Pag successful at masunurin ang mga madlang people sa Mall Policy ay pagiisipan ko na ma-lift Ang liquor ban. Oh ayan ha🙏🏼💪🏼” nakasaad sa huling bahagi ng online post ng 52-year-old governor.
Mamaya aniya ay may pulong siya sa mga mall operator at papanindigan ang mga kinakailangang polisiya kahit gcq na ang Cavite sa gitna nga Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic.
Nabatid na biglang tumaas ang bilang ng COVID-19 cases sa Cavite nang inilagay sa GCQ, dahilan upang mag-beast mode si Remulla.
Mula kasi sa 239 confirmed cases sa Cavite noong May 13, nasa 275 na raw ang bagong total ng mga tinamaan ng sakit as of May 17, Linggo.