Kinumpirma ni Sen. Manny Pacquiao na interesado ito sa posibilidad ng pagtutuos nila sa hinaharap ni WBO welterweight champion Terence Crawford.

Ayon kay Pacquiao, nagkausap na raw sila ni Top Rank CEO Bob Arum tungkol sa nasabing paksa.

Pero inihayag ni Pacquiao na babalik lamang ito sa boxing ring sa oras na available na ang bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Paliwanag ng Fighting Senator, kanya lamang daw ikinokonsidera ang kaligtasan hindi lamang ng sa kanya kundi pati na rin sa mga manonood.

Samantala, mariing itinanggi ni Pacquiao na tatakbo ito sa halalang pampanguluhan sa 2022.

Una nang ibinahagi ni Arum na sinabi raw sa kanya ni Pacquiao ang kanyang interes sa pagtakbo bilang pangulo ng bansa.

Ngunit iginiit ng 8-division world champion, hindi raw nila pinag-usapan ni Arum ang pulitika.