Naghain ng patung-patong na mga kasong kriminal ngayong araw ang Bureau of Internal Revenue laban sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya kasama pati kanilang corporate officer.
Personal dumating si Internal Revenue Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. upang pormal na isampa ang mga reklamong tax evasion kontra sa mga nabanggit na indibidwal.
Ayon sa kawanihan, tinatayang aabot sa higit 7-Bilyon Piso ang umano’y tax liabilities ng mag-asawang Discaya at corporate officer nito base sa kanilang isinagawang assesment.
Ibinahagi ni Comm. Lumagui Jr. na ang pagsasampa ng reklamo ay nag-ugat sa bigong pagbabayad ng mag-asawang Discaya sa buwis ng kanilang 9 na luxury cars, at unpaid documentary stamp taxes ng supposed divestment sa apat na pagmamay-aring construction firms.
Ang inihaing tax evasion cases laban sa mga Discaya ay sinasabing dulot ng hindi pagbabayad ng kaukulang buwis simula taong 2018 hanggang 2021.