-- Advertisements --

Natanggap na ng Kamara at Senado ang kopya ng proposed 2022 budget.

Ang P5.024 trillion na panukalang pambansang budget ang pinakamalaki na sa kasaysayan ng Pilipinas, kapag naipasa.

Pero “no show” ang acting chief ng Department of Budget and Management (DBM) na si Usec. Tina Rose Canda, matapos itong magpositibo sa COVID-19.

Ngunit tiniyak ng opisyal na naka-monitor pa rin siya sa takbo ng paghimay sa budget, lalo’t mild condition lamang ito.

Sa Kamara, personal na tinanggap ni House Speaker Lord Alan Velasco ang kopya ng budget proposal, kasama ang ilang opisyal ng lower House.

At sa Senado, tanging si Senate President Vicente “Tito” Sotto III lang ang kumuha ng mga papeles ukol sa National Expenditure Program (NEP), bilang parte ng kanilang pag-iingat.

Habang sa panig ng DBM, si Usec. Janet Abuel ang humarap para sa ceremonial turn over ng mga dokumento.

Lumalabas na ang 2022 proposed national fund ay mas mataas ng 11.5 percent sa pondo ngayong taon na mayroon lamang P4.5 trillion.

Sa naturang halaga, P240.75 billion ang nakalaan sa COVID-19 response.

Ang education sector naman ang paglalaanan ng pinakamalaking alokasyon na umaabot sa P773.6 billion.

Sinusundan ito ng:

Department of Public Works and Highways (DPWH) – P686.1 billion
Department of the Interior and Local Government – P250.4 billion
Department of Health and the Philippine Health Insurance Corporation – P242 billion
Department of National Defense – P222.0 billion
Department of Social Welfare and Development – P191.4 billion
Department of Transportation – P151.3 billion
Department of Agriculture and the National Irrigation Authority – P103.5 billion
The Judiciary – P45.0 billion
Department of Labor and Employment – P44.9 billion.