Patuloy ang isinasagawang imbentaryo ng mga tauhan ng National Bureau of investigation (NBI) at Bureau of Customs (BoC) sa kahon-kahong gamot na sinasabing gamot kontra Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang mga kotrabando ay nasabat na pinagsanib ng puwersa ng NBI, BoC at Philippine Coast Guard (PCG) sa malaking warehouse sa Singalong, Malate na sakop ng Brgy. 724, Zone 79 sa Maynila.
Ayon sa BoC, tinatayang aabot sa P40 million ang halaga ng mga gamot kabilang na ang kahon-kahong mga personal protective equipment (PPEs) at facemasks na inimbak ng mga suspek sa nasabing bodega.
Ibinebenta umano ang mga gamot sa halagang P200 hanggang P300 kada pakete na may 24 kapsula na pawang may Chinese character ang etiketa.
Ayon kay Atty. Emeterio Dongallo Jr., hepe ng NBI-Special Action Unit, apat hanggang limang indibdwal ang kanilang hawak sa ngayon kabilang ang tatlong Chinese nationals at dalawang Filipino-Chinese na pansamantala munang hindi pinangalanan.
Ikinatwiran daw ng mga naarestong Fil-Chinese na aprubado na umano ang mga gamot sa China na mabisa panggamot sa COVID-19 pero hindi na nga lang daw nakakuha ng permit sa ating gobyerno dahil sa lockdown.
Pero sa kabila nito, sinabi ni Atty. Dongallo, nagawang magbenta pa rin ng mga ito ng kanilang mga iligal na produkto kahit wala pang permiso sa otoridad at sa food and drugs admisnitration.
May impormasyon pang naibebenta ng mga ito ang mga kontrabando sa pamamagitan ng online.
Ipoproseso na aniya ng BoC ang warrant of seizure and detention para kumpiskahin ang mga kontrabando, kasabay ng pagpapasara sa warehouse at pagsasampa ng kaso sa mga nahuling Chinese national.