-- Advertisements --

Hawak na ng Kamara ang National Expenditure Program ng Pamahalaan (NEP) para sa Fiscal Year 2020.

Mismong si Budget Sec. Wendel Avisado ang nagsumite sa mababang kapulungan ng P4.1 trillion proposed budget para sa susunod na taon kay House Speaker Alan Peter Cayetano kaninang umaga.

Ang inihandang pondo ng ehekutibo ay mas mataas ng 12 percent kompara sa 2019 P3.662 trillion budget.

Target ng mas mataas na pondong ito na masuportahan ang inclusive growth strategies ng Duterte administration, pagpapalakas ng investments sa public infrastructure, pagpapabuti sa mga ipinapatupad na anti-poverty programs, at pagbuo ng mga bagong trabaho.

Sa proposed 2020 budget, pinakamalaking bahagi ang mapupunta sa social services, ikalawa ang sa economic services, pangatlo ang sa general public services, pang-apat ang pambayad sa mga utang, at panglima naman sa defense.

Sa nasabing halaga, P673 billion ang inilaan para sa Department of Education kabilang na ang sa mga State Universities and Colleges, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority.

Sinundan ito ng Department of Public Works and Highways na may P534.3 billion allocation; ikatlo ang para sa Department of Interior and Local Government na may P238 billion, pang-apat ang Department of Social Welfare and Development na may P195 billion, panglima ang Department of National Defense P189 billion.

Kasama rin sa Top 10 agencies ang Department of Health -P166.5 billion, Department of Transportation -P147 billion, Department of Agriculture -P56.8 billion, Judiciary -P38.7 billion, at Department of Environment and Natural Resources -P26.4 billion.