VIGAN CITY – Nakatakdang magbigay ng pabuya ang isa sa mga anak ng may-ari ng grocery store na ninakawan ng apat na kawatan nitong nakaraan sa Vigan City, Ilocos Sur.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, aabot sa P4 milyon ang pabuyang maaaring ibigay ni Charles Liquete sa mga makakapagturo at makakatulong sa pagkakakilanlan ng apat na suspek na pumasok at nagnakaw sa 2 Brothers’ Grocery Store sa lungsod at maaaring mayroong kaugnayan din sa pagkakasunog ng isang van sa Del Pilar St., Vigan City.

Una nang inihayag ng Vigan City police station na maaari umanong ginawang diversionary tactic ng mga suspek ang pagsunog sa isang van upang malihis ang atensyon ng mga otoridad sa nangyaring nakawan.

Ito na ang ikalawang beses na pasukin at nakawan ng mga kawatan ang nasabing grocery store kung kaya’t nagpasya na ang may-ari nito na magbigay na ng pabuya upang kaagad na maresolba ang nangyaring robbery incident.