NAGA CITY – Nasa kamay na ng mga otoridad ang isang call center agent na courier ng P3.4 million na halaga ng shabu na nasabat sa isinagawang anti-illegal drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang resort sa Del Rosario, Naga City.

Kinilala ang suspek na si Jonas December Batukan residente ng Haring, Canaman, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay King Lusero ng PDEA-CamSur, sinabi nitong isa si Batukan sa mga courier ng droga mula sa isang bigtime supplier sa Kabikolan na nagmula pa sa Cavite.

Target sana ng task force ang nasabing supplier ng shabu ngunit hindi umano ito nakumbinsi ng grupo na mag-deliver ng nasabing shabu sa poseur-buyer.

Ginagamit umano ng naturang bigtime supplier ang mga katulad ni Batukan upang makapag-deliver ng iligal na droga sa kabikulan.

Napag-alaman din na habang nasa gitna ng nasabing drug operation, nagtangka pa sanang tumakas ang suspek ngunit nakorner ito sa labas ng nasabing resort.