Matagumpay na nasagip ng mga kinatawan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation ang anim na menor de edad kabilang ang dalawang-anyos na bata sa Bombon, Camarines Sur, matapos umano’y i-benta ng kanilang sariling ina online.
Ang operasyon ay nagsimula sa isang referral mula sa US Department of Homeland Security, partikular sa Homeland Security Investigations Manila, ukol sa isang Pilipinong nag-aalok ng child sexual abuse materials sa online kapalit ng dolyar-dolyar na bayad.
Sa pagsusuri ng mga nakumpiskang cellphone, natuklasang apat sa mga batang nasagip ay makikitang nasa mga retratong ino-offer ng suspek para sa online sexual exploitation.
Mahaharap ang ina ng mga biktima sa kasong may kinalaman sa Republic Act 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation Materials Act. kaugnay ng Sec. 6 ng cybercrime prevention act of 2012, Child Abuse, Qualified Human Tafficking kung saan walang piyansang inaasahan.
Samantala isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek at kasalukuyang nasa NBI detention center sa Naga, Camarines Sur habang patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon para sa iba pang posibleng sangkot.