-- Advertisements --

Naniniwala ang Malacañang na hindi kawalan ng gobyerno ang P250 million na dapat sana ay kinita ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa apat na araw na pagkakatigil ng lotto.

Una nang inihayag ng PCSO na nasa P250 million ang nawalang kita bunsod ng suspensyon ng kanilang lotto operation.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang dapat na panghinayangan dahil wala namang nawala.

Ayon kay Sec. Panelo, na-delay lamang ang nangyari at papasok din sa gobyerno ang multi-milyong pisong kitang magagamit sa medical assistance sa mga kababayang nangangailangan.

Sa ngayon, nananatiling suspendido ang operasyon ng ibang PCSO games gaya ng Small Town Lottery, KENO at Peryahan ng Bayan.