-- Advertisements --

Nais ni Senador Bam Aquino na muling suriin ang nakalaang P243 bilyong pondo para sa mga proyekto sa flood control sa 2026 national budget. 

Iginiit ni Aquino, ang mga hindi mahalagang proyekto ay dapat ilaan na lamang sa mas agarang pangangailangan gaya ng edukasyon at kalusugan.

Aniya, inaasahan niyang mababawasan nang malaki ang pondo para sa flood control.

Ayon pa sa senador, dapat unahin ang libreng edukasyon at serbisyong pangkalusugan dahil ito ang pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino.

Tinukoy ni Aquino na kung may sapat na pondo, mas mabilis na matutugunan ang 166,000-classroom backlog at kakulangan ng kagamitan sa mga paaralan, habang maisasakatuparan din ang universal healthcare para sa lahat ng Pilipino.

Kaugnay nito, naghain ang senador ng Senate Resolution No. 28 na humihiling sa kaukulang komite ng Senado na repasuhin kung paano ginastos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya ang P360 bilyong flood control budget sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.

Sa kabila aniya ng P1.47 trilyong pondo para sa flood control mula 2009 hanggang 2024, nananatiling problema ang mahinang drainage system, hindi epektibong flood measures, luma at kulang na pumping stations, at kakulangan ng community-based flood risk management.