Aabot sa P2 billion ang kailangan sa paglikha ng core organization ng proposed Department of Water Resources kahit pa existing na sa ngayon ang mga concerned agencies na pag-iisahin para rito.
Ayon ito kay Albay Rep. Joey Salceda, ang nangunguna sa Hose technical working group na tumalakay at ang nagsama-sama ng mga panukalang nagmumungkahi nang paglikha ng Department of Water Resources.
Binigyan diin ni Salceda na ang kagawaran na ito ay kailangan upang sa gayon ay matiyak ang wastong pamamahala at serbisyo para sa water resources sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, ang National Water Resources Board ang siyang magsisilbing core organization sa bubuuin na bagong kagawaran.
Ang ibang ahensya kabilang na ang Metro Manila Waterworks and Sewerage System (MWSS), the Local Water Utilities Administration (LWUA), at National Irrigation Administration (NIA) ay magsisilbing attached agencies nito.
Ayon kay Salcedam lilikha din ng isang Water Regulatory Commission para ma-monitor naman ang rates sa tubig.
Kamakailan lang ay inaprubahan na ng House Committees on Government Reorganization at Public Works and Highways ang panukalang lilikha sa Department of Water Resources.
Ngayong aprubado na ito sa committee level, iaakyat na ang panukala sa Committee on Rules, na siyang magtatakda naman kung kailan ito isasalang sa deliberasyon sa plenaryo.