Inanunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) na nagpalabas na sila ng mahigit sa P1 billion para pondohan ang emergency shelter assistance sa mga kabahayan na naapektuhan ng bagyong Odette na tumama noong nakaraang taon.
Sa isang statement sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman umaabot sa kabuuang allotment na P1,580,123,000 ang kanilang naaprubahan.
Ang naturang halaga ay para sa programa ng Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) P10,000 emergency shelter assistance upang mabigyang ayuda ang reconstruction ng 153,410 na mga totally damaged na mga bahay sa Regions VI, VIII, X, at Region XIII.
Ayon pa sa Budget department nag-request daw kasi ang DSWD ng P1.5 billion ng August 2, 2022.
Agad namang nailabas ng DBM ang Special Allotment Release Order (SARO) nitong lamang August 8, 2022.
Nagpaliwanag naman si Pangandaman na bagaman tumama ang bagyong Odette noong nakaraang taon hindi pa rin daw nakakalimutan ng pamahalaan na bigyang tulong ang mga nasalanta.
Tiniyak pa rin nito ang patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan para sa kanilang pagbangon muli.