Magbibigay ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng P1 milyong pabuya sa kung sino man ang makakapagbigay ng impormasyon na magagamit upang matunton ang kasalukuyang kinaroroonan ng dating pulis na si Police Lt. Col. Rafael Dumlao III na siya umanong mastermind sa pagpatay sa isang South Korean businessman na si Jee Ick-joo.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PMGen. Nicolas Torre III, mayroon nang mga leads na sinusundan ang kanilang hanay para malaman kung saan kasalukuyang nagtatago ang suspek.
Aniya, nakarating na sa kanilang tanggapan ang mga impormasyon at traces ng dalawa nitong asawa na pawang mga maaaring umpisa ng kanilang tracking para matukoy ang pinagtataguan nito.
Nauna na dito, nito lamang Linggo ay iniutos na mismo ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang pagkakasa ng manhunt operations laban kay Dumlao para tuluyan na itong maaresto.
Samantala, binigyang diin naman ni Torre na wala pa namang naitatala ang Bureau of Immigration (BI) na official departure sa ilalim ng pangalan ni Dumlao ngunit sa kabila nito ay hindi nila isinasantabi ang posibilidad na maaaring nakalabas na nga ng bansa ang dating pulis.
Kasunod nito ay tiniyak naman ng PNP na patuloy na silang nakikipagugnayan sa International Police Organization (interpol) para sa pagiisyu ng Red Notice laban kay Dumlao na siyang magagamit para maalerto ang ibang mga nasyon na mahuli ang suspek.
Sa ngayon ay nagtalaga na ng tracker team ang PNP para sa mas mabilis na pagtukoy sa pinagtataguan ni Dumlao at siya ring tututok sa mga maaaring developments ng kaso sa mga susunod na araw.