NAGA CITY – Mahigit P1-milyong halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska ng mga otoridad matapos ang isinagawang anti-illegal drug operations sa Brgy. Tarusanan, Milaor, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Ronald Castilla Gamboa, 31-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpt. Antonio Per Jr. hepe ng Milaor PNP, napag-alaman na matagal nang minamanmanan ng mga otoridad ang suspek na dati ng nasa drug watch list.

Ayon kay Per, nakumpiska sa suspek ang humigit kumulang 100 grams ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1-milyon.

Nabatid na una nang nahuli ang naturang suspek sa pakarehong iligal na gawain.

Sa ngayon, nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang suspek habang hinahanda na ang kasong isasampa laban dito.