-- Advertisements --

Iniulat ng Securities and Exchange Commission (SEC) na umabot na sa P1.7 trillion ang nawala sa Philippine stock market sa loob lamang ng tatlong linggo dahil sa isyu ng katiwalian kung saan sangkot ang flood control projects.

Ayon kay SEC Chair Francis Lim, matinding naapektuhan ang kumpiyansa ng publiko at mga mamumuhunan, na nagdulot ng negatibong epekto sa prospects ng ekonomiya ng bansa.

Dagdag niya, kapag nasira ang tiwala aniya ng mga ito, mawawala ang kapital, at lahat kung saan apektado ang pamahalaan, negosyo, at mamamayan.

Binanggit din ni Lim na ang kasalukuyang mabagal na galaw ng merkado ay nagpapakita ng isang “crisis of confidence”.

Nanawagan siya sa mga lingkod-bayan na muling buuin ang tiwala ng publiko upang maisulong ang pag-unlad ng ekonomiya.

Bilang miyembro ng Anti-Money Laundering Council, inihayag din ng SEC ang suporta nito sa mungkahing pag-alis o pagbago sa bank secrecy law upang matulungan ang imbestigasyon ng gobyerno sa mga anomalya sa mga proyekto ng gobyerno.