-- Advertisements --

Humaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga indibidwal na nahuli sa buy bust operation sa Quezon City at Cavite.

Sa naturang operasyon, mahigit P1.7 billion ang halaga ng shabu ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Naaresto naman ang dalawang pinaghihinalaang drug traders.

Sinabi ni PDEA Director General Wilkins Villanueva, ang buy-bust operation sa Quezon City ay nagresulta sa pagkaka-aresto ng suspected big-time Chinese drug trafficker na si Cai Jia Zhu, 33.

Si Zhu ay naaresto sa Maria Clara St., Barangay Lourdes, malapit sa Philippine Orthopedic Hospital.

Nakuha sa suspek ang humigit kumulang 40 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P272 million base sa inisyal na report.

Nakumpiska rin sa suspek ang blue green na Toyota Corolla, driver’s license, isang cellular phone at P1,000 bill.

Matapos lamang ang isang oras, nasabat naman ng PDEA agents kasama ang mga law enforcement units ang 220 kilos ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P1.496 billion sa isinagawang operasyon sa Avida Residences Santa Catalina partikular sa Molino-Paliparan Road sa Dasmarinas, Cavite.

Naaresto naman dito ang suspek na si One Hai Lin, 41.

Maliban sa shabu, nakuha rin ng PDEA agents sa suspek ang ilang mobile phones, vaccination card at driver’s license.