Nakatakdang simulan na ng Office of the Ombudsman ngayong linggo ang pagsasagawa ng preliminary investigation para sa ilang mga kasong may kinalaman sa flood control projects anomaly.
Ayon mismo kay Ombdusman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, inaaasahan na ito’y kanilang sisimulan partikular sa anim na kaso kaugnay sa kontrobersyal na mga proyekto.
Ito aniya’y mga flood control projects sa Oriental Mindoro kasama pati mga ‘ghost projects’ sa Bulacan.
Maaalala na nitong nakaraang buwan ay nagsumite ng rekomendasyon ang Independent Commission for Infrastructure sa Office of the Ombudsman upang masampahan ng mga kasong kriminal sina former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, ilang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways at pati kontratista.
Habang kamakailan lamang din ay isinumite naman ng Department of Jutstice sa Ombudsman ang kanilang ‘findings’ sa imbestigasyon ukol sa flood control projects.
Kung kaya’t tiniyak ni Ombudsman Remulla ang paggulong ng preliminary investigation sa kanilang tanggapan.
Samantala, aminado naman si Ombudsman Boying Remulla na hindi lamang ito ang mga kasong dapat pagtuunan at bigyan ng pansin.
Pati ang usapin patungkol sa ‘restitution’ ay kanyang nais mabigyan linaw o maisaayos kung papaano ang gagawing proseso.
Aniya’y makikipag-usap o ugnayan siya sa Sandiganbayan o Hudikatura dahil maaari raw itong magamit bilang stratehiya ng gobyerno.
Bukod sa Sandiganbayan, nais rin ni Ombudsman na sumangguni sa Kataas-taasang Hukuman para makakuha ng karagdagang kaalaman sa usapin restitution at kaso.