-- Advertisements --

Nilinaw ni Speaker Martin Romualdez na layon ng One Town, One Product (OTOP) Philippines Act, matulungan ang mga micro, small, and medium enterprises (MSME) na makabangon mula sa epekto ng Covid-19 pandemic.

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act (RA) No. 11960 o ang “Act Institutionalizing the OTOP Philippines Program” noong Agosto 25.

Ang bagong batas ay naglalayong makalikha ng ekonomiya na kayang tumayo sa sarili at kontrolado ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga polisiya at programa na magpapalakas sa aktibidad ng mga lokal na negosyo at magpapa-angat sa ekonomiya.

Saklaw ng OTOP Philippines Program ang mga produkto at mga skills-based na serbisyo na kilala sa partikular na lugar. Kasama dito ang pagproseso ng pagkain, mga agricultural-based product, home at fashion products, arts at crafts, at skills-based services.

Ayon kay Speaker Romualdez kinikilala ng RA 11960 ang mahalagang papel ng pribadong sektor at ang pagtulong rito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga insentibo upang malinang ang kanilang negosyo partikular ang mga MSME.

Ang bagong batas ay nagbibigay ng package ng ayuda sa mga MSME upang makalikha ng mga bago, at de kalidad na produkto na kayang lumaban sa mga produktong gawa sa ibang bansa.

Ayon sa bagong batas ang Department of Trade and Industry (DTI) ang mangunguna sa pagpapatupad ng OTOP Philippines Program.

Itatayo nito ang OTOP Program Management Office na siyang magbabantay sa pagpapatupad ng programa.

Ang DTI ay inatasan din na itayo ang OTOP Philippines Trustmark, na makikita sa mga produktong nakapasa sa pamantayang itatakda.

Ang mga regional at provincial office ng DTI, sa tulong ng mga lokal na pamahalaan, ang siyang tutukoy sa mga benepisyaryo ng OTOP program.