Pinakalma ng mga senador ang opisyal ng Pharmally, matapos makatanggap ng mga death threat dahil sa pagsasalita sa Senate blue ribbon committee.
Ang Pharmally ang kompaniyang pinagkunan ng sinasabing overpriced PPE para sa health workers noong unang bahagi ng pandemya.
Ayon kay Pharmally Dir. Linconn Ong, natakot siya sa mga mensahe, lalo’t kasama niya ang kaniyang pamilya.
Hindi rin sila maka-alis dahil positibo pa ito sa COVID-19.
“Mr. Chair, ang dami ko nang natanggap na death threat. Ang dami na pong nadadamay rito sa nangyayari, natatakot na po ako,” wika ni Ong.
Pero kahit pinag-uusapan ang banta sa buhay, binalikan pa rin ni Sen. Richard Gordon ang ugnayan ni Ong kay dating Presidential economic adviser Michael Yang.
Idinipensa naman ng Pharmally chairman na si Huang Tzu Yen ang pagpasok nila sa ilang deal na hindi nakakasunod sa ilang proseso.
Giit ni Huang, layunin lamang nila na maibigay ang pangangailangang supply ng Pilipinas na nagtiwala sa kanila.