-- Advertisements --

Maituturing ni Senador Ping Lacson na pinaka-notorious ang lalawigan ng Bulacan para sa maanomalyang flood control projects.

Sa kanyang privilege speech, ibinulgar ng senador ang katiwalian ng dalawang nasibak na district engineers sa Bulacan First Engineering Office na sina dating District Engineer Henry Alcantara at ang pumalit sa kanya na si former Assistant District Engineer Brice Hernandez.

Ayon sa senador, sa ilalim ng pamumuno ng dalawang ito sa naturang opisina, 28 proyekto umano para sa taong 2024 ang magkakapareho ng halaga ng pondo kahit na aniya magkakaiba ang laki ng gagawing proyekto.

Napabalita pa na ang isa sa kanila ay nakakapagtalo ng daang milyon sa isang casino sa Maynila.

ARAYAT, PAMPANGA

Binatikos din ni Lacson ang kwestyonableng flood control project sa bayan ng Arayat, Pampanga, matapos na masira na naman ang riverbank mitigation structure sa Candating kahit na ilang ulit na itong nakumpuni at ginastusan ng gobyerno.

Batay sa ulat, nitong Hulyo 2025 lamang ay muling gumuho ang bahagi ng istruktura matapos ang pananalasa ng Bagyong Emong, kahit pa natapos ang pinakahuling pagkukumpuni noong Hunyo ngayong taon.

Giit ni Lacson, nagsimula ang pondo para sa proyekto noong 2018 kung saan ₱20 milyon ang inilaan para sa “construction o rehabilitation ng slope protection sa kahabaan ng Pampanga River, Candating Section, Arayat, Pampanga.” Subalit nasira rin kalaunan.

Mula sa orihinal na ₱20 milyon noong 2018, umabot na sa mahigit ₱274.8 milyon ang kabuuang halaga ng mga ginastos para sa parehong flood control structure—o mahigit 815% na pagtaas kumpara sa unang construction.

Binanggit pa na Eddmari Construction and Trading ang palaging nakukuhang contractor para sa proyekto.

 Ang naturang kumpanya ay nauna nang nasangkot sa iba’t ibang kontrobersya, kabilang ang pagkakadelist bilang DHSUD builder noong 2023.

PIE SHARING

Samantala, pagsisiwalat pa ng senador, 40% lamang ng pondo ang napupunta para sa flood control projects.

Sa breakdown ng senador, 8-10% ang napupunta sa mga district engineers, 2-3% ang para sa kickback ng district engineering office mula sa sosobrang kita ng contractor, 5-6% naman para sa mga miyembro ng Bids and Awards, 0.5-1% naman para sa Commission on Audit, at 20-25% naman para sa funder o politikong naghanap ng pondo para sa proyekto.