Inihayag ng mga opisyal ng Department of Health (DOH)-7 na handa silang mabakunahan ng Sinovac na nakatakdang dadating sa Cebu ngayong Marso 3 at 4.
Naniniwala pa umano sina DOH-7 Chief pathologist Dr. Mary Jean Loreche at Regional Epidemiologist Dr. Junjie Suazula sa pag-aaral at sa mga siyentista na bumuo ng bakuna.
Kahapon lang nang dumating sa Pilipinas ang hindi bababa sa 600,000 Sinovac vaccine bilang donasyon sa bansa ng People’s Republic of China.
Sinabi pa ni Loreche, una umanong makakatanggap ng bakuna sa Cebu ang mga healthcare workers ng Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC).
Matatandaang aabot sa halos 2,900 mga healthcare workers ng nasabing pagamutan ang magpabakuna laban sa COVID-19.
Nangangahulugan ito na humigit-kumulang 5,800 dosis ng Sinovac vaccine ang inaasahang darating ngayong Miyerkules at Huwebes.
Samantala, ayon pa sa DOH-7 na hindi bababa sa 5.6 milyong mga indibidwal sa Central Visayas ang kwalipikadong makatanggap ng bakuna laban sa COVID-19.