Opisyal ng naipasakamay ngayong Sabado ang pamamahala o operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pribadong sektor na New NAIA Infrastructure Corporation para sa rehabilitasyon ng main gateway ng bansa.
Sa isang statement, sinabi ng Department of Transportation na itinurn-over ng key officials ng ahensiya at Manila International Airport Authority ang airport sa bagong private operator sa isinagawang seremoniya sa NAIA Terminal 3.
Nilinaw naman ng DOTr ang pagmamay-ari ng naturang airport ay mananatili sa gobyerno. Kapag natapos na aniya ang 15 taong concession na maaaring mapalawig ng 10 taon, ibabalik ang mga operasyon ng NAIA sa gobyerno.
Samantala, ilan sa mga aasahang pagbabago ng mga biyahero at iba pang stakeholders sa NAIA ay ang expansion ng Passenger Terminal Buildings, karagdagang aircraft parking bays, pagdaragdag sa vehicular parking slots, installation ng world-class systems at technology, mas maraming food and beverage at retail options, mas convenient na land transport connectivity at iba pa. Aasahan din na mababawasan ang pagkaantala at kanselasyon ng flights dahil sa mga isyu sa mga pasilidad ng paliparan.
Sa idinaos na handover ceremony, sinabi naman ni NNIC Chairman Ramon Ang na ang world-class airport ay nangangahulugan ng mas maraming trabaho, mas maraming turista at mas masigla at maunlad na Pilipinas.
Samantala, tiniyak naman ng consortium na sa pagsasamoderno ng NAIA mapapataas ang kapasidad nito mula sa 35 million passengers sa 62 million passengers.
Inaasahan din na magbubukas ng 58,000 trabaho para sa mga Pilipino ang rehabilitasyon ng paliparan.
Nasa tinatayang P144 billion naman ang ipupuhunan ng private operator para mapangasiwaan at mai-rehabilitate ang NAIA.