Tiniyak ng pamunuan ng Department of National Defense na hindi maaapektuhan ang pangkalahatang operasyon ng Armed Forces of the Philippines sa kabila ng inihaing courtesy resignation ni DND Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Ayon sa isang mataas na opisyal ng Militar, mananatiling propesyonal ang kanilang organisasyon at magpapatuloy sila sa kanilang mandato sa pagprotekta sa mga Pilipino at sa teritoryo ng bansa.
Ito ang binigyang diin ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Adm. Roy Vincent Trinidad.
Aniya, kahit sino man ang nakaupong kalihim ng DND ay mananatili sila sa pagtupad sa kanilang mandato habang ibinibigay nila ang buong suporta sa kung sinuman ang bagong lider na itatalaga.
Maayos rin aniya ang pagtupad ng AFP sa kanilang tungkulin sa nakalipas na tatlong taon sa ilalim ng pamumuno ni Teodoro.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakalipas na linggo sa lahat ng kanyang mga Cabinet secretaries na magsumite ng courtesy resignation.
Bahagi ito ng hakbang ng kasalukuyang administrasyon na mag recalibrate matapos ang hindi magandang resulta ng halalan ngayong taon para sa administrasyon .