-- Advertisements --

Upang maiwasan ang anumang sakuna sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon, tuluyan nang ipinag-utos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang agarang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng mga open at controlled dumpsites sa buong Pilipinas.

Batay sa memorandum na inilabas ni DENR OIC Assistant Secretary for Environment at concurrent Environmental Management Bureau (EMB) Director Jacqueline Caancan, direktang inatasan ang lahat ng EMB regional offices na tutukan ang naturang kautusan upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko at ang kalikasan.

Kasabay ng pagpapasara, binigyan din ng ahensya ng labinlimang (15) araw na ultimatum ang mga operator ng mga sanitary landfill upang magsumite ng kani-kanilang contingency plan.

Nakapaloob sa nasabing plano ang mga kongkretong hakbang na gagawin ng mga pasilidad upang maiwasan at mabilisang matugunan ang banta ng sunog at iba pang posibleng emergency.

Binigyang-diin ng DENR na ang mahigpit na pagpapatupad ng safe closure at rehabilitasyon ng mga dumpsite ay mahalaga upang mailayo sa panganib ang publiko at mga ari-arian.

Bukod sa pagpapasara at paghingi ng plano, inatasan din ang mga regional office ng EMB na magsagawa ng masusing beripikasyon sa kasalukuyang estado ng mga isinarang pasilidad.

Obligado rin ang ahensya na magbigay ng kaukulang technical assistance sa mga lokal na pamahalaan para sa mas maayos na pamamahala ng kanilang solid waste.