CAGAYAN DE ORO CITY – Problema sa pinansyal ang pinaniniwalaang motibo ng pulisya sa pagpakamatay ng isang ginang sa may Phase 2 Villa Trinitas, Brgy Bugo nitong syudad.

Kinilala ang biktima na si Evangeline De Lapus, 40-anyos, may dalawang anak at isang online seller.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Puerto Police Station chief investigation officer Police Chief Master Sergeant Marvin Yacapin na kampante sila na walang foul play sa ginawang pagpakamatay ng biktima lalo pa’t idinaan niya sa Facebook live ang pagpakamatay sa pamamagitan ng pagtali ng lubid sa kaniyang leeg sa loob ng kaniyang kuwarto.

May iniwan pa na dalawang pahinang suicide letter ang biktima para sa kaniyang dalawang anak na nag-aaral sa kolehiyo.

Ibinunyag naman ng mga anak ng biktima sa pulisya na malaki ang problema ng kanilang ina sa pera.

Laking gulat naman ng mga kamag-anak ni De Lapus dahil hindi nila akalain na pinatotohanan nito ang kaniyang pagpakamatay sa ginawang Facebook Live.