Taliwas sa mga nakalipas na taon, tahimik lamang na ginunita ng pamilya Aquino ang 11th year death anniversary ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino.
Ayon umano kay Deedee Siytangco, ang tagapagsalita noon ng dating pangulo, pili lamang ang inimbitahan sa isinagawang misa sa pangunguna ni Fr. Manuel “Manoling” Francisco sa pamamagitan ng Zoom.
Napagkasunduan aniya na wala munang get-together o ang nakagawiang pagtitipon dahil pa rin sa coronavirus pandemic sa bansa.
Gayunman, hangad daw ng pamilya Aquino na huwag pa ring malimutan ng mga mamamayang Pilipino ang naging liderato noong magsilbing lider ng Pilipinas.
“And the family also did not want to endanger their friends. The family hopes that people still remember her, how Cory loved the Filipino people. And how Cory always encouraged others with the words, ‘Let’s pray’ every time there was a problem,” ani Siytangco.
Samantala, may ilang larawan ang lumabas sa internet na ilan supporters ni Cory ang dumalaw at nag-alay ng dasal sa puntod nito sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.
Si Aquino ang asawa ng pinaslang na si Sen. Ninoy, at ang kauna-unahang babaeng pangulo sa kasaysayan ng Pilipinas.
Isa rin ito sa mga naging imahe ng People Power movement na nagpatalsik noon kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Agosto 1, 2009 nang sumakabilang-buhay sa edad na 76 ang tinaguriang democracy icon dahil sa colon cancer.