-- Advertisements --

Umapela si Sen. Bong Go sa Executive Department na magbigay ng “one-time Bayanihan” financial assistance sa mga lungsod at munisipalidad para matulungan sa pagtugon sa pangangailangan ng kanilang constituents sa gitna ng Coronavirus (COVID-19) pandemic.

Sinabi ni Sen. Go, kailangang matulungan ang mga local government units (LGUs) na maalagaan ang kanilang komunidad at malaking tulong ang dagdag na pondo para mapunan ang lumalaking pangangailangan ng mga mamamayan.

Ayon kay Sen. Go, bagama’t nakatutok ang national government sa krisis, dapat maging responsable ang mga LGUs sa pangangailangan ng kanilang constituents.

“Tulungan dapat ang mga local government units na maalagaan ang mga komunidad nila sa panahong ito. Malaking tulong kung mabigyan sila ng dagdag na pondo para mapunan ang lumalaking pangangailangan ng mga tao ngayon,” ani Sen. Go.

“Salamat sa mga LGUs, governors, vice governors, mayors, vice mayors, barangay officials na nag-aasikaso sa kanilang mga constituents… Now, more than ever, we, as elected officials, must do everything we can to be of service to the people.”

Kaugnay nito, inirekomenda ng senador ang one-time grant mula sa national government na katumbas ng isang buwang internal revenue allotment (IRA) ng kinauukulang LGU.

“Sa laki ng problemang kinakaharap natin, baka kukulangin ang kasalukuyang pondo ng ating mga LGU. Hindi naman po lahat ng LGUs ay pantay-pantay pagdating sa pondo. Kailangan rin nila ng tulong mula sa national government,” paliwanag ni Sen. Go.