Inilipat ng Mexico sa Estados Unidos ang 26 na bilanggo na umano’y may mahalagang papel sa mga makapangyarihang drug cartel tulad ng Jalisco New Generation (CJNG) at Sinaloa Cartel.
Ayon sa mga opisyal ng Estados Unidos, kabilang sa mga ito ang mga “key operatives” na nahaharap sa mga kasong karahasan at organisadong krimen sa mga korte sa Amerika.
Kinilala ng Mexico ang mga bilanggo bilang banta sa pampublikong seguridad. Bagaman hindi pinangalanan ang karamihan, isa sa mga inilipat ay si Roberto Salazar, na iniuugnay sa pagpatay sa isang deputy sheriff sa LA County.
Inilipat din ang isang babaeng akusado ng drug trafficking noong 2016–2017, ngunit hindi tiyak kung kabilang siya sa 26.
Nabatid na ang extradition ay isinagawa sa kondisyon na walang isa man sa kanila ang haharap sa parusang kamatayan —isang patakaran na matagal nang pinaninindigan ng pamahalaan ng Mexico.
Gayunman ito na ang pangalawang malakihang extradition ngayong taon, kasunod ng 29 kataong inilipat sa US noong Pebrero, kabilang si Caro Quintero, ang itinuturong utak sa pagpatay sa DEA agent na si Enrique ‘Kiki’ Camarena noong 1985.
Samantala itinanggi ni Mexican President Claudia Sheinbaum ang mga ulat na pinayagan ni U.S. President Donald Trump ang mga US agent na mag-target ng cartel leaders sa loob ng Mexico, ngunit iginiit na nagpapatuloy ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa, lalo na sa kampanya laban sa fentanyl trafficking.